Si
San Juan ay isinilang sa Capistran, Italya, noong 1385, anak ng isang dating
German na kabalyero mula sa lungsod na iyon. Nag-aral siya ng abogasya sa
Unibersidad ng Perugia at nagsilbing abogado sa mga hukuman ng Naples. Hinirang
siya ni Haring Ladislas ng Naples bilang gobernador ng Perugia.
Sa
panahon ng digmaan sa isang kalapit na bayan, siya ay ipinagkanulo at ibinilanggo.
Nang siya’y makalaya, pumasok siya sa komunidad ng Franciscano ng Perugia
noong 1416. Siya at si San Santiago ng Marche ay magkaklase sa ilalim ni San
Bernardino ng Siena, na nagbigay inspirasyon sa kanya na itatag ang debosyon
sa Banal na Pangalan ni Jesus at ng Kanyang Ina. Sinimulan ni Juan ang kanyang
kahanga-hangang apostolado ng pangangaral bilang diyakono noong 1420. Pagkatapos
ng kanyang ordinasyon, naglakbay siya sa buong Italya, Alemanya, Bohemia, Austria,
Hungary, Poland at Russia, ipinangaral ang pagsisisi at nagtatag ng maraming
komunidad ng Franciscanong pagbabago.
Nang
bantaan ni Mohamed II ang Vienna at Roma, si San Juan, sa edad na pitumpu, ay
inutusan ni Papa Calixtus II na mangaral at mamuno ng krusada laban sa mga
sumasalakay na Turko. Namuno sa 70,000 Kristiyano, nanalo siya sa dakilang
labanan ng Belgrade laban sa mga Turko noong 1456. Makalipas ang tatlong
buwan, namatay siya sa Illok, Hungary, at kinanonisa noong 1724.
PANALANGIN:
Panginoon, ipinagkaloob Mo si San Juan upang aliwin ang Iyong bayan sa kanilang
kapighatian. Panatilihin Mo kami laging ligtas sa ilalim ng Iyong proteksyon
at panatilihin ang Iyong Simbahan sa walang hanggang kapayapaan. Amen.

Leave a Reply