Lunes, Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon
— S. Leon ang Dakila, papa at doktor ng Simbahan Paggunita
Para
sa huling mga linggo ng taon ng Simbahan, bumabalik tayo sa Lumang Tipan at sa
linggong ito, binabasa natin ang Aklat ng Karunungan na isinulat noong mga
taong 50 BC sa lunsod ng Alexandria sa Ehipto at iniuugnay kay Haring Solomon.
Sa pambungad na bahagi, sinasabi sa atin na ang Karunungan ay kaibigan ng tao
ngunit hindi magpapakilala sa mga sumusubok dito o naghahangad na dayain ito.
Hindi rin ito matatagpuan ng mga naglalaan ng kanilang buhay sa kasalanan. Ang
karunungan ay ang Espiritu ng Diyos na kumikilos sa mundo.
Sa
Ebanghelyo, sinabi sa atin ni Hesus na dapat nating patawarin ang mga nakasakit
sa atin kung sila ay bumalik at humingi ng kapatawaran. Gaano man kadalas tayo
saktan ng isang tao, kung siya ay lalapit upang humingi ng kapatawaran, dapat
natin siyang patawarin. Sa parehong paraan, dapat din tayong humingi ng
kapatawaran sa mga nasaktan natin, at kasama rito ang Diyos. Hindi tayo
maaaring lumapit sa Diyos upang humingi ng kapatawaran kung hindi natin
patatawarin ang iba at hindi rin natin maaaring asahan na patatawarin tayo ng
iba kung hindi natin hihingan ng kapatawaran at kinikilala na mali ang ginawa
natin.

Leave a Reply